08/10/2025
PNP INILUNSAD ANG FOCUSED AGENDA PARA SA BAGONG PILIPINAS-SERBISYONG MABILIS, TAPAT, AT TUNAY NA NARARAMDAMAN
Alinsunod sa pananaw ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa isang Bagong Pilipinas na nakabatay sa mabuting pamamahala, kapayapaan, at kaunlaran, inilunsad ng Philippine National Police (PNP) sa pamumuno ni Acting Chief, PNP PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang PNP Focused Agenda—isang makabagong plano na naglalayong gawing mas mabilis, tapat, at tunay na nararamdaman ang serbisyo ng pulisya sa bawat Pilipino.
Sentro ng nasabing adyenda ang mga pangunahing prayoridad:
Management of Resources, Morale and Welfare, Enhanced Managing Police Operations, Integrity Monitoring, at Active Community Support-bilang gabay tungo sa mas pinatibay at makabagong PNP.
“Ang PNP Focused Agenda ay hindi lamang plano ng pamamahala—ito ay isang panata sa bawat Pilipino. Patuloy nating pinaiigting ang paggamit ng mga yaman ng organisasyon, isinusulong ang kapakanan at moral ng ating mga tauhan, at pinatitibay ang operasyon sa pamamagitan ng makabagong pamamaraan ng pulisya. Higit sa lahat, isinasabuhay natin ang disiplina, integridad, at pakikipag-ugnayan sa komunidad,” pahayag ni Acting Chief, PNP PLTGEN Nartatez.
Sa ilalim ng adyendang ito, pinagtitibay ng Management of Resources ang masinop at epektibong paggamit ng yaman ng organisasyon—tao, kagamitan, at pondo; binibigyang-diin ng Morale and Welfare ang kahalagahan ng may motibasyon at propesyonal na hanay; at pinapaigting ng Enhanced Managing Police Operations ang mga estratehiyang nakabatay sa ebidensya laban sa ilegal na droga, loose fi****ms, terorismo, at cybercrimes.
Samantala, tinitiyak ng Integrity Monitoring ang pananagutan sa bawat antas, habang ang Active Community Support ay nagpapatibay ng ugnayan ng kapulisan at mamamayan—dahil ang tiwala ng bayan ang tunay na sandigan ng PNP.
"Ang Focused Agenda ang konkretong tugon ng PNP sa panawagan ng Pangulo para sa isang organisasyong mas tumutugon, mas bukas, at mas nakatuon sa paglilingkod. Ipinapakita nito ang tunay na diwa ng Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman, bilang gabay tungo sa Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas,” pahayag ni PNP Spokesperson PBGEN Randulf T. Tuaño.
Sa bagong direksyong ito, nananatiling tapat ang PNP sa layuning maglingkod nang may puso, magtaguyod ng katarungan, at maging tunay na sandigan ng bawat Pilipino tungo sa mas ligtas at mas maunlad na bayan.