15/12/2025
Ikaw ay kilala at hindi nag-iisa
Kapag nagpasya tayong sumunod kay Jesus, tayo ay binibigyan ng bagong buhay kay Cristo. Ngunit ano nga ba ang eksaktong ibig sabihin nito?
Naparito si Jesus at namatay para sa lahat ng nabuhay — tayo iyon — at kapag ibinibigay natin ang ating buhay sa Kanya at nagpapasya tayong sumunod sa Kanya, nagkakaroon tayo ng bagong buhay sa Kanya. Tayo ay napasama sa Kanyang walang hanggang pamilya, kasama ang lahat ng karapatan na kaakibat nito.
Kapag sinabi natin ang “oo” kay Jesus, pinipili nating maniwala na ang lahat tungkol sa Kanya ay totoo. Tayo ay sumasang-ayon na Siya ay nabuhay ng isang perpektong buhay, namatay para sa atin, at nabuhay mula sa mga patay. Kapag pinaniniwalaan natin ito, tayo ay kukupkupin sa pamilya ng Diyos bilang Kanyang mga anak.
Ang ibig sabihin ng pagiging mga anak ng Diyos ay ang pagkakaroon ng walang limitasyon at patuloy na daan sa presensya, pagmamahal, at kapangyarihan ng Diyos. At ang magandang balita? Walang makapaghihiwalay sa atin sa Diyos.
Hindi tayo tumatanggap ng bagong buhay bilang mga anak ng Diyos mula sa ating mga magulang o nakukuha ito sa ating mabubuting gawa—ito ay isang bagay na walang bayad na iniaalok sa atin ng Diyos. Siya lamang ang may kapangyarihan na kalingain tayo sa Kanyang walang hanggang pamilya, at nangangako Siya na hindi Niya tayo iiwan o pababayaan (Deuteronomio 31:6).
Sa sandaling tayo ay kinupkop, ang ating mga lumang pagkakakilanlan ay hindi na mahalaga. Ang bawat di-magandang pangalan na ibinigay sa atin, ang bawat pagkakamaling ginawa natin, ang bawat sakit na naranasan (o idinulot)—lahat ito ay mabubura. Ang ating pagkakakilanlan, seguridad, at kinabukasan ay nakaugat na ngayon sa Diyos na nagmamahal sa atin at namatay para sa atin.
Maglaan ng ilang sandali ngayon at pagnilayan iyon. Kung ikaw ay na kay Jesus na, hindi ka nag-iisa. Kilala ka ng Lumikha ng sansinukob na tumatawag sa iyo na Kanyang anak, kilala ka sa pangalan, at nagmamahal sa iyo nang walang pasubali.