06/10/2025
Bata pa ‘ko napakarami ko ng pangarap sa pamilya, hindi ako naging maluho sa buhay, dahil alam kong mahalaga ang bawat oras at pera na maaring magdala sa mga gusto mong abutin, mahirap man ‘yung pamilya namin pero hindi ko naranasang magutom dahil kina Mama at Papa, sila ang walang-sawang nagmahal sa’min at gumawa na paraan para lahat kami makapag-aral.
Isa lang sa pangarap ko noon ang makalipat ng bahay, hindi sa kinakahiya kong naging mahirap kami dati at maliit lamang ang aming bahay, kinararangal ko ang aming pagiging mahirap dahil ang dami nitong tinuro sa’kin at sa aking mga kapatid, napakaraming bagay ang naranasan ko na hindi pa naranasan ng iba na nagbigay sa’kin ng mas magagandang aral at lakas ng loob para hanggang ngayon ay magpatuloy mangarap na kasama sila.
Mula sa mga recycled na yero, lumang-kahoy at pinagtagmi-tagming lumang tarpaulin ang bahay namin noon pero ang nakatira ay mga TAO. Sa pag-a-abroad ko, nagawa ko silang mailipat lahat sa may mas malaking espasyong bahay. Na-mi-miss ko 'yung bahay namin noon kasi d'yan pinaramdam ng mga magulang ko na kahit mahirap kami, masaya kami.
Mas mahal ko ang lumang bahay namin keysa sa bahay namin ngayon. Dahil doon magkakasama kami, 'di ko kailangan mangibambansa, pasalubong lang ni papa masaya na kami, luto lang ni mama kuntento na kami, maglaro lang kami ng mga tansan ng mga kapatid ko, para na kaming nasa Boom na Boom.
Salamat sa Pamilya kong nagmamahal sa’kin at dahilan para ako ay magpatuloy s’an man ako ngayon. Ang 'Pamilya' ko ang tunay kong yaman.