21/07/2025
Chairman ng kumpanya ng bus, nagbitiw matapos masagasaan at mapatay ang isang surgeon
Taipei — Nagbitiw sa puwesto ang chairman ng Shin-Shin Bus Co. nitong Linggo matapos masagasaan at mapatay ng isa sa kanilang mga bus ang isang doktor sa pedestrian lane sa Taipei noong Sabado.
Sa isang press conference, humingi ng paumanhin sa publiko si Chairman Fan Ta-wei (范大維), sinabing pananagutan ng kumpanya ang buong insidente, at inihayag ang kanyang pagbibitiw.
Ang biktima ay si Chou Chia-cheng (周佳正), 60 taong gulang, pinuno ng departamento ng breast surgery sa Taoyuan General Hospital.
Habang tumatawid si Chou sa Aiguo West Road, siya ay may karapatang tumawid ngunit nabangga ng isang bus na lumiliko ng kaliwa mula Roosevelt Road. Siya ay isinugod sa ospital ngunit kalauna'y namatay dahil sa tinamong pinsala.
Ayon kay Fan, ang driver ng bus na si Lee (李), 63 taong gulang, ay may halos 20 taong karanasan at walang naitalang malaking paglabag, bagaman minsan na siyang pinatawan ng disiplina dahil sa hindi paghinto sa mga bus stop. Si Lee ay nagretiro noong Marso ngunit muling na-rehire noong Mayo.
Sinabi ni Fan na posibleng sanhi ng aksidente ang hindi pagsunod ni Lee sa "point-and-call" safety check bago lumiko — isang patakaran ng kumpanya na nangangailangan ng ganap na paghinto at paggamit ng kilos-kamay upang tiyaking walang pedestrian o sagabal sa daraanan.
Ayon sa pulisya, hindi nakainom ng alak si Lee, at patuloy pa rin ang imbestigasyon sa sanhi ng aksidente.
Pinalaya ng mga piskal si Lee matapos ang imbestigasyon nitong Sabado, kapalit ng piyansang NT$50,000 (US$1,700), sa kasong suspetsa ng kapabayaang pagpatay.
Bilang tugon sa insidente, sinabi ni Taipei Mayor Chiang Wan-an (蔣萬安) nitong Linggo na inatasan niya ang mga operator ng bus na maghain ng mga panukalang pangkaligtasan. Inutusan din niya ang mga opisyal ng transportasyon na muling suriin ang mga safety feature ng interseksyon.
Ayon kay Chiang, tututukan nila ang bahagi malapit sa Roosevelt Road at hilagang-kanlurang bahagi ng Aiguo West Road upang pag-aralan kung maaaring ilayo ang pedestrian lane mula sa kanto upang mapabuti ang visibility at kaligtasan ng mga naglalakad.
Idinagdag ng mga opisyal ng transportasyon na rerepasuhin nila ang timing ng mga pedestrian signal at maglalagay ng countdown timers at pedestrian refuge islands sa 75-metrong lapad na interseksyon kung saan nangyari ang aksidente.
Nanawagan ang advocacy group na Vision Zero Taiwan na gawing mandatoryo ang paglalagay ng blind-spot detection at automatic emergency braking systems sa lahat ng bus. Hinikayat din nila ang pagbago sa mga regulasyong trapiko upang alisin ang mga malabong probisyon na maaaring ibaling ang sisi sa mga pedestrian.
Naglabas ng pahayag ang Taoyuan General Hospital bilang pagdadalamhati sa pagkamatay ni Chou. Inilarawan nila siya bilang isang bihasa at may malasakit na surgeon, at ang kanyang pagkawala ay isang hindi mapapalitang kawalan para sa ospital.
Ayon sa ospital, si Chou ay eksperto sa breast cancer surgery at naging mahalagang bahagi rin sa koordinasyon ng departamento ng operasyon, at aktibong nakibahagi sa pagpapalakas ng acute trauma medical team.
[Rti央廣新聞] 乳癌權威醫師周佳正19日上午在斑馬線上遭欣欣客運公車撞擊身亡。欣欣客運今天(20日)召開記者會,數度向...