27/05/2026
🇹🇼OFW SA KAOHSIUNG TAIWAN, ARESTADO MATAPOS ARARUHIN ANG ISANG MOTORISTA DAHIL SA SOBRANG KALASINGAN
🚨 PAALALA SA ATING MGA KABABAYAN: ALAK O KINABUKASAN?
WEEKEND PARTY NAUWI SA TRAHEDYA!
Isang hindi kanais-nais na insidente ang kinasangkutan ng isang 28-anyos na Pilipinong migrant worker na kinilalang si "Qiao" matapos itong magmaneho habang lasing at bumangga sa isang motorista sa Qiaotou District, Kaohsiung City noong madaling araw ng May 24.
Ayon sa ulat ng Gangshan Police Precinct, naganap ang aksidente bandang alas-4 ng madaling araw sa intersection ng Chenggong North Road at Linxi Road. Galing sa isang weekend party ang ating kabayan at pabalik na sana sa kaniyang tinutuluyan sa Gangshan nang mawalan ito ng kontrol at malakas na nasalpok mula sa likod ang isang 50-anyos na lokal na motorista na nakahinto sa red light.
Sa kabutihang palad, walang nakamamatay na pinsala ang natamo ng dalawa bagamat talsik at tumba ang kanilang mga motor. Subalit, lumabas sa breathalyzer test ng pulisya na umabot sa 1.21 mg/L ang blood alcohol level ng Pilipino—isang antas na halos katumbas na ng pagka-blackout.
MGA KAKAHARAPING PARUSA AT GASTOS:
1. Kinasuhan ng "Endangering Public Safety" at inilipat na sa prosecutor's office.
2. Mga Traffic Violation Tickets at multa.
3. Sisingilin sa lahat ng pinsala: Sasagutin niya ang danyos sa mga sasakyan at ang lahat ng medical expenses ng biktima at ng kaniyang sarili.
Isang malaking paalala po sa buong komunidad: Ang pinaghirapang sahod sa Taiwan ay maaaring maglaho sa isang saglit na maling desisyon. Huwag magmaneho kung nakainom para sa kaligtasan ng lahat at ng inyong pangarap.