07/05/2025
Taho, P**o, Kutsinta, at ang mga Tunog ng Umaga sa Ilocos Norte
Naaalala mo pa ba?
Ako, oo.
Bilang isang batang '90s na lumaki sa Ilocos Norte, hindi ko makakalimutan ang mga umagang ginigising ako hindi ng alarm clock kundi ng boses ni kuyang magtataho na sumisigaw sa may kanto.
"Tahoooooo! Tahooooo!"
Hindi lang basta sigaw 'yon. Para sa akin, 'yon ang hudyat na gising na ang mundo. 'Yung tunog ng taho vendor na unti-unting lumalapit habang naglalakad sa maalikabok na daan. Ako naman, hawak-hawak ang barya sa kamay, takbo agad palabas ng bahay. Pipila sa harap ng dalang timba ni kuya na nasa balikat niya. Isa para sa arnibal at sago, isa para sa mainit at malambot na taho. At siyempre, may ritual pa na "Kuya, dagdagan mo po ng arnibal"
Grabe, simpleng bagay pero napakasarap.
Pero hindi lang si kuya magtataho ang bida sa umaga namin sa Ilocos Norte. Maririnig mo rin ang isang kakaibang tunog na sumasabay sa hangin, hindi sigaw kundi "pot pot pot."
Hindi ko na maalala ang tawag doon sa pinipisil niyang bagay para tumunog, pero alam ko na kaagad na nandiyan na si manong naglalako ng p**o.
Pag binuksan niya ang takip ng lalagyan, kumakawala ang bango. 'Yung p**o, mainit-init pa at may cheese sa ibabaw. 'Yung kutsinta naman, kulay tsokolate, malambot, at may kasamang kinayod na niyog. Hindi masyadong matamis pero sakto lang sa panlasa.
Noon sa Ilocos Norte ay ramdam mo talaga ang tibok ng buhay sa umaga. Walang ingay ng sasakyan, walang pagmamadali. Ang maririnig mo ay ang sigaw ni kuya at ang tunog ng "pot pot pot", at ang tawanan ng mga batang sumisigaw ng “Ayan na si Taho!”
Pero ngayon...
Iba na ang umaga.
Wala na 'yung sigaw na gumigising sa atin. Hindi na boses ni Kuya Taho ang maririnig, kundi ingay na ng mga sasakyan. Wala na rin ang p**o't kutsinta na dinadala sa bawat bahay-bahay. Nawala na ang mga dating tunog na nagbibigay-buhay sa kalsada tuwing umaga at pinalitan na ito ng busina, tambutso, at pagmamadali.
At ito ay hindi dahil ayaw na ng tao sa taho, p**o o kutsinta. Pero parang napag-iwanan na sila ng makabagong panahon. Habang nagpapatuloy ang pagbabago, sila'y naiwan, dala-dala ang alaala ng mas simpleng buhay.
Pero sa puso ko, buhay pa rin sila.
Buhay si Kuya Taho, si Ate P**o, si Manong Kutsinta. Buhay ang umagang may tawanan at hintayan sa kalsada. 'Yung simpleng almusal na sabay-sabay kinakain habang nagkukwentuhan at nagtatawanan. 'Yung lasa na hindi lang galing sa pagkain, kundi sa samahan.
Gusto kong marinig ulit ang sigaw na "Tahoooo!" mula sa lalamunan ni Kuya. "Pot pot pot" na hatid ay p**o at kutsinta.
Sana bumalik.
Sana sa Ilocos Norte, sa bawat kanto, marinig ulit ang mga ito. At bago tuluyang mawala, sana may magpatuloy.
Kasi sa maingay na makabagong mundo, ang pinakamalalakas na tunog ay ang mga alaala mula sa pagkabata