
21/09/2025
"Isang Makasaysayang Araw: Paggunita sa Nakaraan, Pagharap sa Hinaharap"
Ngayong araw, Setyembre 21, muling iginunita ng Pilipinas ang isa sa mga pinakamadilim na kabanata sa ating kasaysayan: ang deklarasyon ng Batas Militar o mas kilalang Martial Law. Limampu't tatlong taon na ang nakalipas, tayo parin ay nagbabalik-tanaw, nagmumuni-muni, at nagpapahayag ng ating pag-asa para sa isang mas magandang kinabukasan ng ating bansa.
Ang Batas Militar, na ipinahayag ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. noong 1972, ay nagdulot ng malawakang paglabag sa karapatang pantao, pagkakakulong ng mga kritiko ng gobyerno, at pagsupil sa malayang pamamahayag. Maraming buhay ang nawala, at maraming pamilya ang nagdusa. Ngunit sa gitna ng kadiliman, sumibol ang pag-asa at paglaban. Ang mga Pilipino, sa kanilang likas na tapang at pagmamahal sa kalayaan ng bansa, ay hindi nagpatinag. Sila ay nagkaisa, nagprotesta, at lumaban para sa kanilang mga karapatan.
Ngayong 2025, ang paggunita sa Batas Militar ay may iba't ibang anyo. May mga pagtitipon at rali na isinasagawa ng mga aktibista at mga biktima ng Batas Militar. Sa mga paaralan at unibersidad, idinaraos ang talakayan patungkol sa mga isyu sa ating lipunan.
Sa paggunita ng Batas Militar o Martial Law 2025, ito ay nagsisilbing isang mahalagang punto para sa pagmuni-muni sa nakaraan. Ito ay nagbibigay ng karagdagang aral at kamalayan sa pagbabalik tanaw sa nakaraan.Huwag nating hayaan na ang anino ng Batas Militar ay muling maghari sa ating bayan.
Text: Edda Estacio
Pubmat: Aira Nichole Piz