06/08/2026
SCIENCE BUILT BY FILIPINOS, FOR FILIPINOS: DOST-NCR 2026 RSTW, OPISYAL NANG BINUKSAN SA VALENZUELA CITY!
VALENZUELA CITY — Sentro ngayon ng mga makabagong imbensyon, lokal na inobasyon, at talakayang pambansa ang Valenzuela City sa opisyal na pagbubukas ng 2026 Regional Science, Technology, and Innovation Week (RSTW) sa Metro Manila.
Ang tatlong araw na pagtitipon mula ngayon, August 6 hanggang 8, 2026 ay pinangungunahan ng Department of Science and Technology – National Capital Region (DOST-NCR) katuwang ang Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela.
Bitbit ang temang "Siyensya, Teknolohiya at Inobasyon: Kabalikat sa Matatag, Maginhawa at Panatag na Kinabukasan" at sub-theme na "Science, Technology, & Digital Innovation Driving Food Security, Sustainable Energy, and National Resilience," ipinapakita sa RSTW 2026 kung paano nakatutulong ang agham sa paglutas ng mga totoong suliranin ng mamamayan.
Ilan sa mga pangunahing teknolohiyang itinatampok sa aktibidad ay ang:
PAGASA National Hydro-Met Observing Network (PANaHON): Nagbibigay ng near real-time weather updates para sa paghahanda ng mga komunidad sa pagbabago ng panahon.
DOST-CUATRO at Advanced Manufacturing Center: Mga program Ang nag-aakay sa mga lokal na MSMEs upang gumamit ng modernong teknolohiya at mapataas ang kanilang produksyon.
VirtuHalal: Isang Virtual Reality (VR) training platform na binuo ng FEU Institute of Technology at TESDA upang palakasin ang kasanayan at suportahan ang lumalagong Halal industry sa NCR.
Bukod sa mga exhibit, nagkaroon din ng mga talakayan tulad ng PhilAASTI Luzon Island Seminar, "Ani at Huli sa Nagbabagong Klima: Mga Perspektiba sa Kalakhang Maynila," at "TEKNOLOKAL: Bridging Technology Commercialization and Adoption for Food Security, Sustainable Energy, and National Resilience".
Para naman sa mga kabataan, inihanda ang mga kompetisyon tulad ng Blue Horizons: Sci-Art Poster Making Competition (Grade 6), Gear Up NCR: Esports Game Dev Challenge (High School at College), at Code Green: Digital Solution Hackathon for a Circular Economy (College at Young Professionals). Mayroon ding bazaar tampok ang mga produkto ng beneficiaries mula sa SETUP, CEST, at iFWD PH.
Binigyang-diin ng DOST na ang RSTW 2026 ay paalala na ang agham ay hindi lamang para sa mga laboratoryo o textbook, kundi para sa pang-araw-araw na buhay ng bawat Pilipino—sang-ayon na rin sa tagline ng kagawaran na "Science is for Everyone, Science is for Everybody".