28/11/2025
Magandang araw mga ka-Openyown! Eto na naman tayo, bagong balita mula sa Department of Trade and Industry. Sabi nila, kasya raw ang ₱500 para sa Noche Buena. Makabibili ka na ng ham, spaghetti, macaroni salad...lahat daw yan, mabibili na sa halagang limang daang piso.
Pero teka, teka, teka! Saang tindahan kaya sila namimili? Kasi kung pupunta ka sa palengke o grocery ngayon, alam mong hindi na abot ng ₱500 ang matinong ham, ang spaghetti na may karne, at ang macaroni salad na hindi tipid sa sangkap. Ang presyo ng bilihin, tumataas araw-araw. Kaya’t ang ₱500, hindi pang-Noche Buena, kundi pang -“paskong gipit.”
Kaya eto ang hamon natin sa DTI... bumaba kayo sa palengke, bumili kayo ng ham, pasta, keso, prutas...lahat gamit ang ₱500. At ipakita niyo sa taumbayan kung paano magiging masaya ang Noche Buena ng isang pamilyang Pilipino sa ganoong budget. Kung magagawa niyo, kami mismo ang unang mag-aapir sa inyo. Pero kung hindi, tigilan na ang ilusyon at huwag insultuhin ang hirap ng mga Pilipino.
Mga ka-Openyown, tandaan natin...ang Noche Buena ay hindi lang pagkain. Ito ay simbolo ng pagsasama, ng pag-asa, ng kasayahan. Kapag sinabi mong ₱500 ay sapat na, para mo na ring sinabi na magtiis na lang tayo sa kakarampot na handa.
At dito pumapasok ang mas malaking tanong... ano ba talaga ang intensyon ng gobyerno? Sabihin sa mga mamamayan na magtiis kung walang pambili? O kaya huwag na kayong magreklamo dahil may nabibili pa raw ang ₱500 ninyo? Hindi ba’t insulto ito sa pamilyang Pilipino na buong taon nagsusumikap, pero sa iisang araw ng selebrasyon, pinaparamdam pang dapat magtiis sa kaunti?
Isipin niyo yun... tuwing Pasko at Bagong Taon na nga lang nakakapaghanda ang maraming pamilya ng may kaunting rangya. Isang beses sa isang taon, pagkakataon para maramdaman ang kasayahan at saglit na ginhawa. Pero ngayon, parang ipinagdadamot pa. Ang mensahe ay malinaw: "kontento na kayo sa ₱500, huwag na kayong magreklamo."
Kung tunay na malasakit ang nais ipakita, hindi sapat ang maglatag ng ilusyon na ₱500 ay kaya na. Ang kailangan ay konkretong hakbang para bumaba ang presyo ng bilihin, para ang bawat pamilya ay makapaghanda ng Noche Buena na hindi tipid, kundi puno ng saya at dignidad. Kasi sa huli, ang Pasko ay hindi lang tungkol sa pagkain—ito ay tungkol sa paggalang sa hirap at sakripisyo ng bawat Pilipino.
Kaya DTI, huwag gawing propaganda ang Pasko. Kung talagang kaya, patunayan niyo. Kung hindi, tigilan niyo ang ilusyon at huwag gawing katawa-tawa ang taumbayan ngayong Pasko.