08/03/2026
PINURNADANG RATSADA
San Andres, nilusaw ang ragasa ng Virac; Bato, tinuklap ang Caramoran sa IMBT S3 opener
Ginulantang ng San Andres ang defending champion na Virac, habang tinimbog naman ng Bato ang Caramoran upang angkinin ang kani-kanilang unang panalo sa Inter-Municipal Basketball Tournament (IMBT) Season 3 kahapon.
Kinalawit ng San Andres ang mga kumalas na play ng two-time IMBT champion sa nalalabing isang minuto ng laro para maitarak ang 78-74 panalo sa single round robin preliminary round at manaig sa Virac Sports Center.
Matagumpay na nagbunga ang paglatag nina Jonathan 'Tikboy' Del Rosario Jr. at Jomar Brito ng two-pointer sa huling minuto, kaagapay ang whole-court press na nagpatibay sa 23-13 run sa ikaapat na kwarter.
Nagsilbi itong pagbabalik ni San Andres ace Tikboy sa IMBT matapos hindi makasali noong nakaraang season dahil hindi siya nakapag-commit sa liga bunsod ng mga personal na dahilan, aniya.
Kumamada ang 5'10 ace na si Tikboy ng 29 points, 10 assists, limang rebounds at eight-for-nine (88.9%) sa free throw, katuwang ang 17 puntos ni Mark Jansen De Mesa upang manduhan ang opensa ng San Andres.
"Late yung communications nila, kaya late yung close out pagdating sa depensa kaya naka-penetrate kami, yun ang naging advantage namin sa last quarter," ani Tikboy.
Samantala, naging hadlang man sa unang frame ang pagdating pa lamang ni Tikboy noong Marso 6 mula sa Masbate at ang hindi pa kumpletong pag-warm up ng ibang players ng San Andres, naging dahilan ito upang sa second half sila rumesbak sa pamamagitan ng sunod-sunod na conversions.
Kasabay ng crucial plays nina Tikboy at Brito, umalalay din ang kambal na sina M.J. at Ethan Paul De Mesa na nagpabilis pacing ng laro, habang pinigilan naman ng sentrong si Regie Hagad ang pagpiglas ng Virac sa ilalim.
Bago ito, humarabas ang Virac sa dalawang sunod na tres ni Jan Eric Asas katuwang ang anim na puntos ng beteranong si Herwin Tabuzo sa unang yugto para sa 12-5 bentahe.
Agaran namang sinagot ng paunti-unti ng San Andres ang paghabol nang irehistro ang 18-9 run sa ikalawang yugto sa bisa ng De Mesa twins para sa 34-33 paghabol.
Gayunpaman, hindi naging sapat ang 61-55 pagkalamang ng kampeon sa ikatlong yugto nang magsimulang maginit si Tikboy buhat ng 13 puntos, sapat para simulan ang huling kwarter sa kasama ang ihip ng momentum.
Sa kabilang dako, napigilan ng Bato ang pagarangkada ng Caramoran sa ikaapat na yugto nang ibomba ni Jhoven Traqueรฑa ang and-one basket sa nalalabing 50 segundo sa opener game ng IMBT season 3.
Matapos ang crucial play, rumehistro pa si AL Frances Bea dalawang free throws na sinundan pa ng tigdalawang puntos ni Marjun Tulay at J. Traqueรฑa para sa 93-86 panalo.
Pinangunahan ni Bea ang Bato matapos kumana ng 16 points, walong assists, at apat na steals para ungusan ang Caramoran sa huling frame.
"May chemistry ang mga players dahil sila rin ang mga players natin sa Ako Bicol Cup; subok na rin sila sa loob, kaya naging clutch ang mga plays namin," ani coach Joevic Bernal ng Bato.
Tumikada ang Bato ng 16/22 (72.7%) free throws kontra sa 26/47 (55.3%) ng Caramoran na naging susi upang mapantili ang kalamangan sa serye.
"Free throws talaga ang naging problema namin dahil kahit sino naman siguro na-pepressure," ani coach Joshua Interno ng Caramoran.
Matapos ang tatlong yugtong pagkalamang ng Bato, 20-17, 39-34, 59-56, sinubukang umeskapo ng Caramoran sa bisa ng tres ni Andy Sural, ngunit nabigo dahil sa kayod kalabaw na depensa nina Tulay, at J. Traqueรฑa sa huling frame.
Lumapag sa 1-0 kartada ang San Andres at Bato, 0-1 naman sa Virac at Caramoran, habang haharapin ng defending champion Virac ang Viga ngayong hapon. #
via John Carl R. Zuniega