01/06/2026
BALIK-TANAW | Sa gitna ng timpak-timpak na basura, mahahanap ang isang dakilang yaman: ang masiglang isip ng mga bata.
Noong Marso 22, 2026, sa pangunguna ng UP Vector, ginanap ang Sinag-gawa, ang taunang tradisyon ng pagtataguyod ng liknayan para sa bayan. Sa taong ito, binisita ng UP Vector ang Project Pearls sa Happyland, Tondo upang turuan ang mga batang magbasa at magsagot ng sari-saring worksheet. Nagsagawa ang mga bata ng isang physics experiment, kung saan gamit ang mga bote, barbecue stick, at lobo, nakalikha sila ng sariling laruan na nasa anyo ng sasakyan.
Ang Project Pearls ay isang organization na ang layunin ay siguraduhing walang batang nagugutom, hindi lang sa pagkain kundi pati na rin sa edukasyon at kalusugan. Ang UP Vector ang kaisa-isang organisasyong nagtataguyod ng pisika, at sa mga programang ganito, naibabalik ng mga mag-aaral sa mga batang nangangailangan ang aksesibleng edukasyon na karapatan ng bawat bata.
Ani ng kanilang Vice President for Non-Academics na si Safia Tumbaga, layunin talaga nilang pumunta sa iba’t ibang komunidad kung saan mapapalaganap nila ang liknayan at makakapagbibigay ng sigla sa mga bata na ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral.
Mga kuha ni Jesse Hernando